Isang nakakapanlokong tagpo sa registration ng “disColor,” ang aming photo exhibit para sa Film 110…
Pasado alas singko na ngunit kakaunti pa lang ang tao at hindi pa binubuksan sa publiko ang gallery na dapat ay bukas na noong alas singko pa lamang. Halos mga kaklase, blockmates, at iilang bisita pa lang ang naroroon. Nagkukuwentuhan kami nang may dumating na dalawang lalaki patungo sa tarpaulin ng “disColor” na katabi ng registration booth kung saan ako nakatoka kasama si Maricar. Natigil ang kuwentuhan. Medyo tumahimik ang kapaligiran.
AKO: Welcome po to “disColor”! Register po muna kayo. Hindi pa po kasi bukas yung exhibit. Maya-maya pa po puwedeng magpapasok. Upo na lang po muna kayo.
LALAKI 1: (Tiningnan ang guestbook. Tumingin sa kasamang lalaki saka tumingin sa akin.) Ah ganun ba?
AKO: Opo. Register na lang po muna kayo.
LALAKI 1: (Tumingin muli sa guestbook. Tumingin ulit sa akin.) Mamaya na lang. Babalik na lang kami.
AKO: Sige po.
Umalis na ang dalawang lalaki. Nakatingin ang mga kasama ko sa papalayong mga bisita. Nang mawala na sa paningin ang dalawa, nagbalik na ang ingay sa paligid. Parang na-starstruck ang lahat. Iba’t iba ang kanilang reaksyon. Hindi ko maalala kung sino, basta may biglang nagsabi…
ANNA (yata): Si ano yun, ‘di ba?
Parang kilala ng lahat ang kaaalis-lamang na bisita…
AKO: (Medyo nagtataka at naguguluhan sa mga pangyayari.) Sino yun?!?
KAT (yata): Si Ramon Bautista!!!
Nang marinig ko ‘yon para bang gusto kong matunaw sa kahihiyan. Parang naririnig ko yung “Palistuhan” nila ni Francis M. sa aking isipan. Grabe. Hindi ko talaga siya na-recognize. Ibang-iba kasi siya sa personal. Parang sobrang seryoso at pormal. Nakakahiya talaga propesor pa man din siya ng Film tapos hindi ko masyadong na-accommodate.
Pero kung sabagay kahit naman na-recognize ko siya ganun pa rin ang gagawin ko. Hindi ko pa rin siya papatuluyin dahil sarado pa talaga yung exhibit. Naka-cover pa yung pictures. Wala rin siyang makikita. Sa program pa tatanggalin yung cover ng photos e. Mabuti na rin hindi ko siya na-recognize kasi malamang nahirapan lang ako na hindi siya patuluyin kung nakilala ko siya agad.
Medyo nakakadismaya lang kasi hindi na sila bumalik ng kasama niya. Naiisip ko tuloy hindi na siya bumalik dahil sa akin. Huwag naman sana. Sayang talaga. Hindi nila nasaksihan ang inihanda naming programa. Hindi na rin nila nakita ang aming photo exhibit. At higit sa lahat, hindi na kami nakapagpa-autograph. Sabi nga ni Janine sayang yung chance na maka-bond namin si Sir Ramon Bautista.
**********
Kinuwento ko sa aming propesor ang pangyayari. Hindi siya makapaniwala sa ginawa/nagawa ko. Ipinaliwanag ko ang side ko. Wala na lang siyang naging ibang reaksyon kundi…
MA’AM LIMPIN: Hihihihihi…
