Sadyang napakaliit na ng pandesal ngayon. “Ostiya” na nga ang pabirong tawag dito ng kapatid ko. Ngayon naintindihan ko na kung bakit.
Medyo matagal-tagal na rin pala akong hindi nakakakain ng pandesal. Sakto ang pagdaan ng batang naglalako ng pandesal. Nagugutom na talaga ako ngunit wala pang nakahandang pagkain. Tinanong ako ng tatay ko kung ayos na sa ‘kin ‘yon panamantala. Sabi ko ayos lang kaya bumili siya. Laking gulat ko nang makita ko ang ga-pulborong pandesal. Halos wala pa sa ikaapat ng kamao ko. Natatawa na lang ako dahil hindi pala exaggerated ang pagtawag dito ng kapatid ko na “ostiya”. Dalawang kagat pa lamang ay ubos ko na ang isa. Hindi mo na nga yata kailangang nguyain. Lumabas sandali ang tatay ko para bumili ng palaman sa pinakamalapit na tindahan. Hindi ko na nagamit yung palaman pagdating niya kasi naubos ko na ang mga pandesal. Pero pakiramdan ko ni hindi man lang sumayad sa tiyan ko yung kinain ko. Bitin.
Hindi ko lang sure kung yun na ba ang standard size ng pandesal ngayon. Marahil mas malaki naman yung binebenta sa mga kilala at mas malalaking panaderya. Yung kinain ko kasi binili lang namin sa batang naglalako. Hanga ako dun sa batang yun pati sa mga kasama niya. Madalas ko silang nakakasalubong tuwing papasok ako sa paaralan. Umulan man o umaraw naglalako sila. ‘Pag umuulan nga, malaking supot lang ang saklob nila. Kailangan maglako para may pambaon sa iskuwela. Kaya naman wala akong reklamo sa kanila hinggil size nito. Naintindihan ko namang mahal na ang mga kasangkapan sa paggawa ngunit hindi puwedeng taasan ang presyo ng pandesal dahil mababawasan ang bumibili. Kaya naman lohikal lang na liitan ang produkto para mapanatili ang mababang presyo nito. Natatawa at natutuwa lang talaga ako dahil hindi ko inaasahang ganun na kaliit nito.
Kahit na maliit na ang pandesal, nagpapasalamat ako at may nakain pa ako. Masuwerte pa nga ako; nakakabili kami ng pandesal kahit maliliit na lang. Saka panamantala lang iyon kasi kakain pa ulit ako ng kanin ‘pag naihanda ang tunay na almusal namin. E yung iba nating kababayan parang habambuhay na nagdidiwang ng mahal na araw. Habambuhay silang nagtitika. Habambuhay na nagda-diet. Hindi naman nila gusto. Kapos at salat lang talaga. Masuwerte yung may pambili ng noodles, tuyo, at NFA rice. ‘Pag wala talaga, papatusin na lang ang mga surrogate ulam. Yes, friends. May ganun. “Surrogate” lang sila kasi hindi naman talaga sila ulam. Kabilang sa listahan ang bagoong, toyo, ovaltine, at nangunguna ang kape. Surrogate. Ulam. Kape. Gulat ka no?
Sa kabilang dako naman ng Pilipinas, sa mga lugar kung saan may mga politiko, asahan na sagana ang pagkain. Sobra-sobra pa. Tingnan ninyo sila matataba lalo na yung asawa ng duwende sa Malacanang parang litson, ‘di ba? (Pero kung yun ang litson, hinding-hindi ko kakainin kahit gutum na gutom na ako kasi sobrang bulok ng laman nun e.) Alam ko namang mayaman na talaga ang kanilang mga pamilya kaya tumaba sila ng ganoon. Ang hindi ko lang alam at hindi ko talaga maintindihan kung bakit hayuk na hayok pa silang agawan at nakawan yung mga walang wala na para lang magkaroon pa nang mas marami. Konting hiya naman po. Please.
Tapos ipagmamalaki ng kung sino na “ramdam ang kaunlaran.” Hala ka naman! Joke ba yun? Kaunlaran para kanino? Malamang para dun sa mga iba pang baboy na kasama nila sa palasyo. Pero para sa ‘min? Pwe! Para dun sa mga batang naglalako ng pandesal at kanilang mga pamilya? No way!
May mga nagsasabi na kaya naman daw mahihirap at naghihirap yung iba kasi naman tamad. Haller!!! Kung totoo ito, e ‘di namatay na sa gutom yung mga trapo (traditional politicians) at iba pang wala ng ginawa kundi pumasok ng late at umuwi ng maaga, humilata, umabsent, at mangomisyon. At kung totoo ngang katamaran ang tunay na dahilan ng kahirapan, bakit mahihirap pa rin yung mga magsasakang buong araw na nakayuko’t nakabilad sa araw; yung mga manggagawang sobra-sobrang ipagpa-overtime; mga kanterong (construction workers) manu-manong gumagawa ng mga naglalakihang bahay at building; at mga batang naglalako ng pandesal umulan man o umaraw para may pambaon?!? Bakit mahirap pa rin kami sa kabila ng pagsisikap ng mga magulang ko?!? Sagutin nga ako nung mga nagsasabing katamaran ang dahilan ng kahirapan!!! Come on! Susuntukin ko sila ‘pag hindi ako natuwa sa sagot nila!
Malayo na nga ang narating ng mga pandesal na kinain ko. Hindi man sumayad sa aking tiyan, namulat naman ng mga iyon ang aking mga mata. Pinaandar ng mga iyon ang utak ko para mag-isip. Ang mga pandesal na iyon ay gumising at nagpaalala sa kamalayan ko sa katotohanang nagaganap sa ating lipunan.
