“Manong, bayad po. Antipolo, galing pong Katipunan, estudyante.”
Hindi ko agad kinukuha ang sukli ko pagkatapos magbayad sa jeep. Malayu-layo rin naman ang biyahe mula Katipunan hanggang Antipolo. Kaya lang kung minsan nasa Antipolo na ako, wala pa rin akong sukli. Kaya naman kelangan ko pang ipaalala sa drayber o konduktor.
“ Manong sukli po nung (halagang bininayad ko). Galing Katipunan, estudyante lang po.”
Titingnan ako nang matalim na tila ba hindi naniniwala. At minsan pa’y pagagalitan ko:
“Kung estudyante ka, bakit hindi ka naka-uniform, aber?”
“Wala po kasi kaming uniform,” mabilis kong isasagot sabay halungkat ng ID sa malalim at napakagulo kong bag. Ngunit kahit naipakita ko na ang aking ID na nakalagay sa lanyard na may tatak na “University of the Philippines,” tila hindi pa rin naniniwala si Manong na estudyante ako. Masama ang loob na iaaabot ang sukling marapat naman sa ‘kin.
Hindi ko maintindihan kung bakit napaka-kuwestiyonable ng pagiging estudyante ko sa jeep. Ang iba namang kasabay kong mga mag-aaral na nakasibilyan din ay hindi nasisita katulad ng pagsita sa akin. Madalas tuloy akong napapaisip. Nabuo tuloy ang mga sumusunod na teorya:
Mukha na akong matanda para maging estudyante sa paningin ng iba. May pabirong nakapagsabi na mukha na akong 29 years old. Hindi naman ako naniniwala dun. Para sa ‘kin joke lang yun… O joke nga lang ba talaga? Naalala ko tuloy yung kuwento ni Ate Heidi. Sabi niya, natutuwa raw siya kasi kahit hindi niya sabihin na estudyante siya, student fare pa rin ang sinisingil sa kanya. E bakit ako? Mukha na ba talaga akong matanda?
O baka naman mukhang hindi talaga ako nag-aaral. Anlabo. Medyo nakakainsulto naman. Alam ko hindi ako mukhang nerd. Walang salamin sa mata. Walang makakapal na libro. Hindi kakikitaan ng bahid ng “pag-aaral.” Pero ganun pa man, may malaki naman akong bag na halos pumutok na sa dami ng laman at makapal na clear folder na pinagsusuksukan ko ng mga readings sa iba’t ibang subjects, photographs, at kung anu-ano pang papeles na naipon na dahil bihira kong ayusin at linisin ang mga gamit ko. Kaya nakakainis isipin na mukha akong hindi nag-aaral at parang naglalakwatsa lang sa buhay ko.
Sabi naman ng tatay ko, baka naman daw iniisip nung iba, hayskul pa lang ako. Ayun. Kaugnay na naman ng paglalakwatsa, ayaw raw siguro akong bigyan ng discount dahil baka nga naman daw hayskul lang ako at nagliliwaliw lang kung saan-saan. Medyo nakapagpalubag-loob naman yun. Ibig sabihin, mukha pa akong bata, taliwas sa una kong teorya.
Kaya lang bumanat ulit ang tatay ko at sinabi, baka raw ayaw akong bigyan ng discount kasi madalas akong nakapuruntong o long shorts. Mukha raw kasi akong nakapambahay papasok sa paaralan. Para bang nautusan lang bumili ng suka sa tindahan at umabot na kung saan. Dahil sa aking kasuotan, nahuhusgahan akong hindi naman talaga pumapasok sa school. Ano ba naman yun? E, sabi ko nga kanina, bakit yung iba kong kasabayan na katulad ko rin, hindi nasisisita? Bakit ako lang?
Nauunawan kong barya-barya lang ang kinikita ng mga drayber. Kung tutuusin, hindi pa nga siguro sapat yun para matugunan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan at iba pang mga gastuhin. Marahil umiiwas lang sila sa mga manggogoyo— mga taong nagpapanggap para makapanlamang ng ibang tao.
Pero mga manong, hindi naman po ako mandurugas e. Unawain din po sana ninyo na ‘tulad ninyo, barya-barya lang din ang aking baon. Ang barya-baryang natitipid ko mula sa student fare, kapag naipon, malaking halaga na rin kahit papa’no. Ang halagang natitipid ko ay malaking tulong na rin pandagdag-gastos sa pagpapaphotocopy, merienda, pamasahe sa susunod na mga araw, o pambili ng murang libro sa Book Sale. (Pagbigyan na ninyo yung huli. Libro lang naman ang kaligayahan ko e. Nakabili nga ako kamakailan ng Chronicles of Narnia: The Journey of the “Dawn Treader” sa presyong abot-kaya: P15. Kinse pesos. Tapos na ngang basahin ng kapatid ko e.)
Hindi ko naman sinisisi (at masisisi) sila manong drayber at kuya konduktor kung ganoon ang reaksyon nila. Prinoprotektahan lamang nila ang kanilang mumunting interes na kadalasa’y pinagsasamantalahan ng iba lalo pa ng mga nasa kapangyarihan.
Hindi rin naman ako masisisi at iba pang mga mag-aaral na tulad ko ay naghihirap din ang pamilya kung ganito ang hinaing namin. Tulad ng mga drayber at konduktor, pati na rin ng iba pang maliliit na tao sa lipunan, pare-pareho kaming dumaranas ng iba’t ibang porma ng panunupil sa aming mga karapatan. Pare-pareho kaming napagkakaitan ng aming mga simpleng kaligayahan. Pare-pareho lang kaming biktima ng bulok na sistemang umiiral sa ating lipunan.
Kung iisa-isahin ko pa ang mga porma ng kaapihang dinaranas ng mga taong tulad namin, malamang ay kulangin ang isang buong araw sa pagsulat ng mga iyon. Nakakasama lang lalo ng loob na banggitin pa ang mga paraan ng panunupil ng naghaharing uri.
Bottom line: dito sa bansang ito, ang mga mahihirap ay lalo pang naghihirap dahil ang mga ganid sa yaman at kapangyarihan ay lalo pang nagpapayaman sa pamamagitan ng kahit anong paraang naiisip nila kapalit man ang buhay at kaapihan ng nakararami.
Kaya naman kinakailangan nating sama-samang kumilos tungo sa pagbabago. Para naman sa darating na panahon, hindi na kakailanganin maging mapagbantay sa kakapiranggot na halagang pantawid-gutom…
At wala na ring maghahabol sa barya at sisigaw ng “Manong, sukli ko po, estudyante lang po.”
